Wala Bang Kamatayan Ang ‘Kaluluwa’ Ng Tao?

immortal-soulAng KAMATAYAN ay isang  nakatakdang patutunguhan ng bawat tao. Takot at pangamba ang mararamdaman mo kung ito’y iisipin. Ano ba talaga ang mangyayari sa tao kung siya ‘y mawalan ng buhay?

Siya ba ay may ‘kaluluwa’  o espiritu (‘ghost’) na humihiwalay sa kanyang katawan kung siya ay namamatay? Ang mabuti bang tao ay napupunta sa langit ang kanyang kaluluwa, at kung masama naman ay siya ba o ang kanyang kaluluwa ay walang katapusang maghihirap at magdurusa sa empiyerno?

Kabilang ako noon sa mga naniniwala na ang kaluluwa ng ating mga mahal sa buhay ay bumabalik at nagbabantay sa kanyang mga iniwan. Subalit hindi pa ako nagkaroon ng ganitong mga karanasan; bagama’t sa ibang salaysay at patotoo ng maraming tao ay mayroon daw katotohanan ito.

Ang aking paniwala noon ay nakabatay sa mga patotoo ng mga tao. Ang ipinagtataka ko ay kung bakit ito’y kanilang KINAKATAKUTAN? Bakit hindi nila kausapin ang isang kaluluwa kung ano ang kailangan? Dahil ba sa ito’y hindi katotohanan at isang uri lamang ng pandaraya ng demonyo?

Sa bansang Egipto noong mga unang panahon na tinagurian na PANAHON NG MGA PARAON (sila ay mga pinuno o HARI na namamahala sa kanyang bansa), ang mga tao rito ay naniniwala na mayroong buhay sa kabila ng kamatayan.
Ito ang dahilan kung bakit isinasama ng mga Paraon (Pharaoh) ang kanilang mga kagamitan, kayamanan at mga katulong sa libingan. Kaya’t sa mga nahukay na libingan, bukod sa mga kagamitan at kayamanan na natagpuan ay mayroon ding natagpuan na mga kalansay ng kanyang mga tagapaglingkod at mga katulong.

Halimbawa ay ang pagkatuklas sa libingan ni Tutankhamen na natagpuan sa tinawag na “Valley of the Kings” sa Egipto. Ang ekspedisyon ay pinamahalaan nina Lord Carnavon at Howard Carter noong taong 1922. (God’s Graves and Scholars page 176 C.W. Ceram).

May iba namang paniwala tulad sa bansang India, na ang kaluluwa ng tao ay sumasanib sa iba’t ibang uri ng hayop sa lupa. Naniniwala sila na ang kaluluwa ay pwede ring pumasok sa ipis, butiki, langaw, gagamba at iba pang mga insekto.

Kaya laganap ang karamdaman sa bansang ito dahil hindi nila mapuksa ang mga insekto sa paniwalang ang kaluluwa ng mga namatay ay sumanib sa mga ito. Hindi rin sila kumakain ng mga hayop tulad ng baka, kambing at iba pa na nagiging sanhi ng kakulangan sa pagkain at nagiging sanhi ng malaganap na malnutrisyon. Ilan lamang iyan sa mga nabanggit na paniniwala.

Ano ang KATOTOHANAN?

Ano Ang Salitang “Kaluluwa”

Sinabi ng Panginoong Diyos sa kanyang unang nilalang na si Adan na siya sa kabuuang pisikal na kalagayan ay naging isang “kaluluwang may buhay”.

“At nilalang ng Panginoong Diyos ang tao sa alabok ng lupa at hiningahan ang kanyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay at ang tao ay nagging kaluluwang may buhay” (Genesis 2:7).

Ang sinabi ng Diyos na Lumikha, ang tao ay alabok (‘dust’). Si Adan na mayroong malay (‘consciousness’) ay binuo na ang sangkap ay alabok ng lupa, hindi bilang katawan ng walang kamatayang kaluluwa (‘immortal soul’). Hiningahan ng Panginoong Diyos ang kanyang ilong, kaya ang tao ay humihingang alabok ng lupa na naging kaluluwang may buhay.

“At sinabi ng Diyos, magkaroon ng sagana ang tubig ng mga gumagalaw na may buhay (moving creatures o “nephesh” sa Hebreo) at magsilipad ang mga ibon sa itaas ng lupa sa luwal ng kalawakan ng himpapawid” (Genesis 1:20).

Sa talata 21 ang “nephesh” ay ginagamit patungkol sa “living creature”. Sa talata 24 ay “living creature” (buhay na kinapal). Sa talata 25 ay “beast” o ganid. Lahat sila’y tinawag na “nephesh” sa orihinal na salin.

Bago pa lalangin ang tao ang salitang nephesh (o ‘kaluluwa’) ay ginagamit na patungkol sa hayop.

“At may lalake na mga marurumi dahil sa bangkay ng isang tao (“nephesh”) na ano pa’t hindi nila naipagdiwang ang Paskuwa ng araw na yaon” (Bilang 9:6).

Sa talatang 7 at 10 ay parehong “nephesh” (kaluluwa) ang ginamit sa “bangkay ng isang tao”. Sa madaling salita ang PATAY NA KALULUWA (“nephesh”) ng isang tao.   

“Narito lahat ng kaluluwa ay akin, kung paano ang kaluluwa ng ama, gayon din ang kaluluwa ng anak ay akin, ang kaluluwa (“nephesh”) na nagkakasala ay mamatay” (Ezekiel 18:4).

Malinaw na ang kaluluwang nagkakasala ay mamamatay. Hindi ito “IMMORTAL” na humihiwalay sa katawan ng tao pag namamatay.

Sa Bagong Tipan ang salitang “kaluluwa” sa wikang Griyego ay “psuche” at 105 ulit na binaggit, 58 ulit na ang kahulugan ay ang salitang “kaluluwa” (spirit), 40 ulit ay “buhay” (life), 3 ulit bilang “isip” (mind), 1 na “puso” (heart)”, 1 bilang “buong puso” (heartily), 1  “kami” (us), 1 “kayo” (you).

Ang salitang “psuche” sa wikang Griyego at ang salitang “nephesh” sa wikang Hebreo ay magkatulad sa paggamit.
Halimbawa ang “psuche” ay ginamit sa hayop tulad ng paggamit ng salitang “nephesh” sa Genesis 1:20 at “psuche” sa Pahayag 8:9 (‘life’). Basahin din ang Pahayag 16:3 na tumutukoy sa mga hayop KALULUWANG MAY BUHAY (‘soul’).

“Ibinuhos ng ikalawa ang kanyang mangkok sa dagat at nagging dugo na gaya ng isang patay at bawat kaluluwang may buhay, samakatuwid ay ang mga nasa dagat ay namatay” (Pahayag 16:3). *  Ang Pahayag ay Apocalipto sa ibang Biblia

Isa na naman itong patunay na ang salitang KALULUWA sa wikang Ingles na “soul” ay tumutukoy sa mga nilalang na may buhay na maaaring mamatay, tulad ng mga nilalang sa karagatan at ang mga tao ay iisa ang magiging kalagayan kung sila’y mamatay.

“Sapagkat ang nangyayari sa mga anak ng mga tao ay nangyayari sa mga hayop, samakatuwid baga’y isang bagay ang nangyayari sa kanila; kung paanong namamatay ang hayop, gayon namamatay ang tao. Oo silang lahat ay may isang hininga at ang tao ay wala ng karangalang higit sa hayop, sapagkat lahat ay walang kabuluhan” (Mangangaral 3:19).

“Lahat ay nagsisiyaon sa isang dako; lahat ay buhat sa alabok at lahat ay nauuwi sa alabok uli” (Mangangaral 3:20).
Si Job ay sumulat tungkol sa kalagayan ng namatay. “Gayon ang tao ay nabubuwal at hindi na bumabangon; hanggang sa ang langit ay mawala, sila’y hindi magsisibangon, ni mangagigising man sa kanilang pagkakatulog” (Ang salitang “hanggang sa ang langit ay mawala” Job 14:12 ay tumutukoy sa RESUREKSYON o muling pagkabuhay sa bagong langit at lupa na tinutukoy sa Pahayag 21:1-7).

“Oh, ikubli mo nawa ako sa SHEOL (LIBINGAN) na ingatan mo nawa ako ng lihim hanggang sa ang iyong mga poot ay makaraan, na takdan mo nawa ako ng takdang panahon at iyong alalahanin ako.” ( Job 14:13).

“Kung ang isang tao ay mamatay mabubuhay pa ba siya? Lahat ng araw ng aking pakikibaka ay maghihintay ako, hanggang sa dumating ang pagbabago.” (Job 14:14).

Ang bersikulo namang ito ay tumutukoy pa rin sa nuling pagkabuhay at tumutukoy rin sa isang pagbabago upang makamit ang buhay na walang hanggan at magmana ng KAHARIAN NG PANGINOONG DIYOS.

“Sinabi ko nga ito, mga kapatid, na ang laman at ang dugo ay hindi magmana ng kaharian ng Diyos, ni ang kasiraan ay magmamana ng kaharian” (1 Corinto 15:50).

“Narito sinaysay ko sa inyo ang isang hiwaga, hindi tayo lahat ay matutulog, ngunit tayo ay babaguhin” (1 Corinto 15:51).

“Sa isang sandali, sa isang kisap mata, sa huling pagtunog ng pakakak at mga patay ay mabubuhay nang muli na walang kasiraan at tayo’y babaguhin.” (1 Corinto 15:52).

Inaanyayahan ko kayo na basahin ang kabuuan ng I Corinto 15 sapagkat ito ay tumatalakay sa “Muling Pagkabuhay” ng mga tao.

“Ikaw ay tatawag at ako’y sasagot sa iyo; ikaw ay magtataglay ng na gawa ng iyong mga kamay!” (Job 14:15).

Si Haring David ay pinatnubayan ng Panginoong Diyos ng kanyang banal na Espiritu upang sumulat ng mga dakilang bagay tungkol sa buhay at kamatayan.

“Ngunit ang tao’y hindi lalagi sa karangalan, siya’y gaya ng mga hayop na namamatay.”

“Sila’y natakda  sa SHEOL (LIBINGAN) na parang kawan; kamatayan ay magiging pastor sa kanila, at ang matuwid ay magtataglay ng kapangyarihan sa kanila sa kinaumagahan at ang kanilang kagandahan ay mapapasa SHEOL (LIBINGAN) upang matunaw, upang mawalan ng tahanan.”

“Ngunit tutubusin ng Diyos ang aking KALULUWA (“NEPHESH”) sa kapangyarihan ng SHEOL (LIBINGAN)  ( Dapat nating bigyan ng pansin na ang SHEOL (LIBINGAN) ay may kapangyarihan sa buhay mula sa kahulugan ng salitang “NEPHESH” sa wikang Hebreo) sapagkat tatanggapin niya ako.”

“Taong nasa karangalan at hindi nakakauna ay gaya ng mga hayop na namamatay” (Mga Awit 49:19-20).

Ipinahayag ng Banal na Diyos na tayong mga tao ay likha ng Kanyang mga kamay ay mga ANAK NG DIYOS at ang mga tao ay muling ibabangon mula sa PATAY. Pinatnubayan ng Banal na Diyos si Karing David upang sumulat.

“Mahalaga sa paningin ng Panginoon ang kamatayan ng kanyang mga banal” (Mga Awit 116:15).

Marami pang mga patunay at halimbawa sa BANAL NA KASULATAN ang binabanggit kung ano ang tunay na kalagayan ng mga tao kapag sila ay namatay. Walang ano mang halimbawa sa BANAL NA KASULATAN ang nagbibigay halimbawa tungkol sa WALANG KAMATAYANG KALULUWA. Subalit may ipinahahayag ang BANAL NA KASULATAN tungkol sa Espiritu ng tao (Spirit in man).

Ano ang Espiritu?

Sa iba’t ibang bahagi ng BANAL NA KASULATAN ay naghahayag ng mga bagay tungkol sa ESPIRITU NG TAO, subalit ang espiritu ay hindi ang tao.

Ang ESPIRITU ay isang bagay na nasa TAO, ito ay nakaugnay sa PISIKAL na UTAK ng TAO, upang mabuo ang tinatawag na DIWA NG KAISIPAN ng isang Tao. Ang ESPIRITU ay nagbabahagi ng LAKAS sa UTAK upang ang tao ay MAKAUNAWA at MAKALIKHA na siyang bubo ng katangian ng kanyang PERSONALIDAD. Subalit ang kaalamang ito ay PINIPILIT o GINAGAWANG HUWAD ni Satanas.

Hindi ipinaliwanag ni Satanas na ang ESPIRITU ay isang mahalagang bagay na nsa tao. Nilinlang niya ang sanlibutan sa paniniwala na ang ESPIRITU ay ang WALANG KAMATAYANG KALULUWA, na ang TAO ay ang ESPIRITU. Pinaniniwala ni Satanas ang sanlibutan na ang KATAWAN ng tao ay isa lamang pansamantalang TIRAHAN (HOUSE) ng TAONG IMORTAL o WALANG KAMATAYAN.

Ang ESPIRITU na nsa tao ay WALANG MALAY o PAGKABATID kung ito ay hindi sangkap ng pisikal na UTAK ng TAO, hindi ito maaaring makakita. Sa pamamagitan ng utak at ang ESPIRITU, ang ESPIRITU ay makakakita sa pamamagitan ng PISIKAL na MATA ng TAO. Ito ay makaririnig sa pamamagitan ng TAINGA ng TAO.

Ang isang BULAG na tao na mayroong ESPIRITU ay hindi maaaring makakita, katulad din naman sa isang BINGI hindi ito maaaring makarinig sa kabila ng lahat na nsa kanya na ang LAKAS NG KAISIPAN.

Ang ESPIRITU ay hindi maaaring makakita kung wala ang PISIKAL na BUHAY na MATA at hindi maaaring makarinig kung wala ang maayos na tungkulin ng mga PISIKAL NA TAINGA sa iasng BUHAY NA TAO. Hindi ito maaaring magkamalay o makapag-isip kung ito ay hiwalay sa PISIKAL na UTAK ng buhay na TAO.

Sa pamamagitan ng mga GAMOT na pampatulog ang PISIKAL na UTAK ng TAO ay nawawalan ng malay. Ang mga ganitong GAMOT o DROGA ay hindi magkakaron ng epekto sa ESPIRITU ng isang tao bagama’t ang kanyang utak ay walang malay.

Ang banal na Kasulatan ay nagpapahayag na ang mga patay ay walang nalalamang ano mang bagay. Ang ESPIRITU ay HINDI ang TAO; HINDI rin ito isang MULTO ("ghost").

”Sapagkat sa kaniya, napansin sa lahat ng may buhay ay may pag-asa; sapagkat ang buhay na aso ay maigi kaysa sa patay na leon.” (Mangangaral 9:4).

"Sapagkat nalalaman ng mga buhay na sila’y mamamatay, ngunit hindi nalalaman ng mga patay ang ano mang bagay o mayroon pa man silang kagantihan, sapagkat ang alaala sa kanila ay nakalimutan.” (Mangangaral 9:5).

“Huwag ninyong ilagay ang inyong tiwala sa mga pangulo, ni anak man ng tao na walang pagsaklolo.” (Mga Awit 146:3).
“Ang hininga (breath, spirit, “ruach”) niya pumapanaw, siya’y nanunumbalik sa kanyang pagkalupa, sa araw din yaon ay mawawala ang kanyang pag-iisip.” (Mga Awit 146:4).

Kapag ang HININGA (BREATH) sa wikang Hebreo ay “RUACH” (“SPIRIT” sa wikang Ingles) ay pumanaw o mawala sa isang PATAY NA TAO ang ESPIRITU ay lubos na walang malay o kaisipan, ang kanyang kalagayan ayon sa Banal na Kasulatan ay “NATUTULOG”.

“Dahil dito’y marami sa inyo ang mahihina at masasakitin at hindi kakaunti ang natutulog.” (1 Corinto 11:30).
Ang mga tao na mga KALULUWANG BUHAY sa sandaling mamatay ay muling bubuhayin mula sa kanilang pagtulog.

“Narito, sinasaysay ko sa inyo ang isang hiwaga; hindi tayo lahat matutulog, ngunit tayong lahat ay babaguhin. ” (1 Corinto 15:52).

Iisa pa lamang ang nabuhay mula sa mga patay at nagging pangunahing bunga mula sa mga natutulog.

"Datapuwat si Cristo nga’y muling binuhay mula sa mga patay na siya ay nagging pangunahing bunga mula sa mga natutulog.” (1 Corinto 15:20).

“Sapagkat kung tayo’y nagsisampalatayang si Jesus ay namatay at nabuhay na muli ay gayon din naman ang natutulog kay Jesus ay dadalhin ng Diyos na kasama niya.” (1 Tesalonica 4:14).

Maaaring may magtanong kung saan naroroon ang mga ESPIRITU ng mga NAMATAY na ang kalagayan ay mga natutulog lamang. Saan nga ba?

“At ang alabok ay mauuwi sa lupa gaya ng una  (si Adan at ang mga tao ay mula sa alabok o “dust” at ang diwa (“spirit” sa wikang Hebreo ay “ruach”) ay babalik sa Diyos na nagbigay sa kaniya.” (Mangangaral 12:7).

Tulad ng mga unang nabanggit, ang ESPIRITU ng mga PATAY ay walang MALAY o KAISIPIAN (Mangangaral 9:4-5, Mga Awit 146:3-4). Kung ito’y walang malay at kaisipan wala itong tungkulin na magagampanan.

An ating Panginoong JesuCristo nang malapit nang mamatay sa Kanyang pagkakapako ay nagbilin sa Ama tungkol sa kanyang ESPIRITU.

“At si Jesus, na sumigaw ng malakas na tinig ay nagsabi, “Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking Espiritu”, at pagkasabi nito ay nalagot ang hininga.” (Lukas 23:46).

Sa mga nabanggit na halimbawa malinaaw na ang ESPIRITU ay hindi KALULUWA, sapagkat ang kaluluwa ay nilikha at inanyuan ng Panginoong Diyos mula sa alabok ng lupa. Ang KALULUWA ay MATERYAL. Hindi ito isang ESPIRITU.
Ang mga HAYOP ay mayroon ding UTAK tulad ng mga TAO, subalit wala itong KAISIPAN at TALINO. Ang mga HAYOP ay hindi makapangangatwiran mula sa kanyang mga nakuhang karunungan, hindi ito maaaring makapagbigay ng mga paliwanag, hindi itomaaaring magdesisyon at gumawa ng ano mang plano. Ang mga hayop ay hindi makakapag-guni-guni, hindi ito makalilikha ng mga alituntunin ng kagandahang-asal at walang pagdisiplina sa sarili.

Ang UTAK ng HAYOP ay nilikha na mayroon nang mga KATUTUBON o LIKAS na karunungan (animal instinct).Ang kanilang mga UTAK ay walang kakayahan na makakuha at makapag-ipon ng mga SIYENTIPIKONG KARUNUNGAN, na ang UTAK ng TAO lamang ang may kakayahan.

Ano pa ang ibang mga katangian ng utak ng hayop na mayroong nakaprogramang LIKAS o NATURAL NA KATANGAIAN at ang utak ng tao?

Ang Salita ng Panginoong Diyos ay nagpapaliwanag mula sa mga aklat ng 1 Corinto 2:11.

“Sapagkat sino sa mga tao ang nakakikilala ng mga bagay ng tao, kundi ang espiritu ng tao na nasa kanya? Gayon din naman ang mga bagay ng Diyos ay hindi nakikilala nino man, maliban na ang espiritu ng Diyos” (1 Corinto 2:11).

Ang mga ESPIRITU na bagay ay hindi maaaring Makita ng mata, marinig ng mga tainga at madama ng mga kamay. Ang mga dakila at mga SIYENTIPIKONG KAISIPAN, PILOSOPIYA at PRINSIPYONG PANANAW ay hindi maaaring maunawaan ang mga ESPIRITUAL na bagay at KATOTOHANAN.

Tulad ng mga hayop na walang ESPIRITU ng TAO ay hindi makakaalam o magkakaroon ng katalinuhan ng mga PISIKAL na KARUNUNGAN. Ganoon din ang KAISIPAN NG TAO ay hindi makakaalam ng mga DAKILA at BANAL na KARUNUNGAN kung hindi magkakaroon ng BANAL na ESPIRITU ng Panginoong Diyos ang ESPIRITU ng UTAK ng TAO (1 Corinto 2:11).

Kasaysayan Ng Unang Kasinungalingan

Ang unang kasinungalingan ay nagsimula pa sa HALAMANAN NG EDEN. Ang sabi niya sa ating Inang si Eba, hindi ka mamamatay. Sa medaling salita, si EBa ay isang IMORTAL NA KALULUWA subalit ang sabi ng Diyos ay:

“Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan. Datapuwat ang kaloob na walang bayad ng Diyos ay buhay na walang hanggang kay Cristo Jesus na Panginoon natin” (Roma 6:23).

Sinabi ng Panginoong Diyos kay Eba at Adan na ang kabayaran ng kasalanan ay KAMATAYAN NA WALANG HANGGAN, at kayo ay MORTAL at MAMAMATAY. Subalit si Satanas ay nagtala ng unang kasinungalingan sa buong kasaysayan. Suriin nating mabuti sa Banal na Kasulatan.

“Ang ahas nga ay tuso kaysa alin mang hayop sa parang, na nilikha ng Panginoong Diyos at sinabi niya sa babae, tunay bang sinabi ng Diyos, huwag kayong kakain ng alinmang punong kahoy sa halamanan” (Genesis 3:1).

Dito nagsimula ang madaliang pagsisinungaling ni Satanas tungkol sa katotohanan na turo ng Panginoong Diyos. Nagpahayag si Satanas na salita na may TUSO at halong PANLILINLANG. Upang malinlang ang isang tao, hindi lagging kasinungalingan ang kanyang kailangan marinig, kalingan na ito ay may kahalong katotohanan.

“At sinabi ng ahas sa babae, tunay na hindi kayo mamamatay” (Genesis 3:4).

Sa mga nabanggit na unang mga halimbawa, alam natin na ang nabanggit na bersikulo sa itaas ay isang kasinungalingan at may mga karagdagan pang patibay na ang TAO na isang BUHAY na KALULUWA ay maaaring mamatay.

“Datapuwat sa bunga ng punong kahoy na nasa gitna ng halamanan ay sinabi ng Diyos, huwag kayong kakain ni yaon, ni huwag ninyong hihipuin, baka kayo’y mamatay” (Genesis 3:3).

Ang pagkain ng bungang kahoy ay isang paglabag sa KAUTUSAN at ang paglabag sa KAUTUSAN ay isang KASALANAN na ang KABAYARAN ay KAMATAYAN. Ang isang TAO na isang BUHAY na KALULUWA ay MAMAMATAY kung siya ay MAGKASALA.

Ano naman ang KATOTOHANAN na sinabi ni Satanas bilang bahagi ng kanyang TUSO at MAPANLINLANG na turo?

“Sapagkat talastas ng Diyos na oras na kayo’y kumain niyon ay madidilat nga ang inyong mga mata at kayo’y magiging parang mga diyos na nakakikilala ng mabuti at masama” (Genesis 3:5).

Ang ipinagbawal na bunga ay lulmilitaw na isang bagay na dapat hangarin ng isang tao upang siya ay magkaroon ng KATALINUHAN at KARUNUNGAN. Sa tuwirang pananalita, si Satanas ay nagtuturo sa layunin at hangarin ng tao na magdesisyon sa kanyang sarili kung ano ang tama at mali. Baliwalain o itakwil ang turo ng Panginoong Diyos.

Simula sa halamanan ng Eden hanggang sa ating kasalukuyang panahon, ang mga tao ay nakadarama ng pagiging ganap at Malaya sa mga desisyon na hindi umaasa at hindi sumasangguni sa Banal na Diyos. Mga dahilan kung bakit laganap ang digmaan, kahirpan, karamdaman, mga peste at tuluyang pagkasira ng ating kalikasan.

Ang Isinilang Ng Laman Ay Laman At Ang Isinilang Ng Espiritu Ay Espiritu

Ang pahayag ni JesuCristo ay “Isinilang ng laman ay laman at ang isinilang ng espiritu ay espiritu” (Juan 3:6).

Walang binanggit na ang laman ay isang immortal. Sa halip, ang kaluluwa na nagkasala ay mamamatay (Ezekiel 18:4, 20).

Ang tao ay maaaring Isilang na-muli (“born again”) kung siya ay bubuhayin na mula sa mga patay ng Panginoong Diyos at ang tao ay magiging Espiritu, subalit habang nabubuhay ang tao siya ay nasa laman.

Kailngan na ang tao ay ipanganak na muli (“born again”) at maging isang Espiritu upang Makita niya ang Kaharian ng Banal na Diyos (Juan 3:3).

An ating Panginoong JesuCristo ay naparito sa ating sanlibutan upang ipahayag ang pag-asa ng sangkatauhan na isilang na muli (“born again”) at maging kabilang sa pamilya ng Diyos sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli mula sa mga patay. Ito ang tunay na paglulubos ng Kaligtasan.

Binulag at nilinlang ni Satanas ang sangkatauhan tungkol sa Dakilang Kaligtasan. Sinira niya at nilinlang ang tao at pinaniwala na ang tao ay immortal at walang kamatayan at hindi maaaring mabuhay mula sa mga patay.

Si Satanas ay gumagawa ng mga pamamaraan upang sirain ang mensahe ng Mabuting Balita ('Gospel').

You are here: Home Filipino Writings/Publications Wala Bang Kamatayan Ang ‘Kaluluwa’ Ng Tao?