Anong Uri Ng Pananampalataya Ang Kailangan Upang Maligtas?

filipino-faithAlam ba ninyo na maraming mananampalataya sa Panginoong Jesu-Kristo ang hindi maliligtas? Sapagka’t sila’y nagtitiwala o umaasa sa maling uri ng Pananampalataya!

Walang paksang nauukol sa kaligtasan ng isang Kristiyano ang higit na hindi nauunawaan kaysa sa uri pananampalataya na nakapagliligtas!

Maniwala ka lang sa Panginoong Jesu-Kristo at ikaw ay ‘maliligtas’,” ang siyang laganap na katuruan ngayon. At ang pahayag na ito ay ganap na katotohanan kung nauunawaan mo kung anong uri ng pananampalataya ang kailangan.

Nakalulungkot isipin na napakaraming tao ngayon ang naililigaw sa pamamagitan ng isang laganap at walang basehang aral patungkol sa isang “panampalataya” na hindi kailanman makapaghahatid ng kaligtasan sa kahit sino.

Naging kaugalian nang ulitin o banggitin ang isang  bahagi ng mga Kasulatan at talata sa paksang ito at bigyan ng maling pakahulugan ang pagbasa. Sa ganitong kadahilanan lumalaganap ang mga maling aral sa   Kristiyanismo at karamihan ngayon ay nalalagay sa isang espirituwal na pagkabulag at pagkalinlang dahil sa mga  mapanlikhang kaisipan at pagtuturo ng mga hindi ganap na katotohanan (o “half-truths”).

Magkakasalungat Ba Ang Mga Kasulatang Ito?

Ang Panginoong Diyos ay hindi karaniwang inilalahad sa pamamagitan lamang ng isa o i-ilang talata sa Bibliya ang lahat ng katotohanan patungkol sa isang paksa o usapin.

“Kanino Siya magtuturo ng kaalaman? At kanino Niya ipatatalastas ang balita?… Ang utos ay dapat na nakapaibabaw sa utos, utos sa utos; linya sa linya, kaunti dito at kaunti doon” (Isaias 28:9-10).

Upang maintindihan ang ano mang paksa sa Bibliya, nararapat na mapag-aralan ang lahat ng patunay o katibayan ng kasulatan patungkol sa nasabing paksa. At hindi natin maaaring bigyang kahulugan ang ating namana o sariling pang-unawa sa isang natatanging sipi (passage) lamang; sapagkat “Alin mang hula ng kasulatan ay hindi nagmula sa sariling pagpapaliwanag” (II Pedro 1:20), ngunit bawat sipi ay nabibigyang liwanag sa pamamagitan  ng ibang teksto.

Halimbawa: Laganap ang paggamit sa Roma 3:20, “Sapagkat sa pamamagitan ng mga gawa ng Kautusan ay walang laman (flesh) na aariing ganap sa paningin Niya” at mula sa siping ito lamang ay ipapalagay na ang Kaligtasan ay sa pamamagitan ng pananampalataya lamang, kahit suwayin ang batas ng Panginoong Diyos!      

Ang mga taong ganito ang paliwanag sa tekstong ito ay hindi kailanman sasabihin sa iyo na sa Roma 2:13, ang apostol Pablo rin ang sumulat ng ganito: “Sapagkat hindi ang mga tagapakinig ng Kautusan ang siyang mga ganap (just) sa harapan ng Diyos, kundi ang nangagsisitalima sa Kautusan ay aariing ganap (justified).”

Mayroon bang salungatan dito? Kung ang isang Kasulatan ay may hangarin ipakita na hindi na kailangang pagsikapan na sundin ang mga Kautusan ng Panginoong Diyos, samakatuwid ba’y sinasalungat ng Panginoong Diyos ang sarili Niyang Salita? At kung ninanais ninyo na gawin ang sinasabi sa Mga Roma 3:20, kinakailangan na hindi ka magbabago sa pag-amin na mayroong salungatan sa mga Kasulatan; at kung ito’y totoo, wala kang batayan ng iyong pananampalataya!

Muli, sa Efeso 2:8-9: “Sapagkat sa biyaya’y kayo’y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito’y hindi sa inyong sarili, ito’y kaloob ng Panginoong Diyos; hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sino man ay huwag magmapuri.”

Subalit ‘yong mga umuulit sa tekstong ito upang malayang makapagturo ng doktrina (aral) ng “walang gawa,” ay hindi sasabihin sa iyo na may ibang talata  rin sa Kasulatan ang nagsasabi ng ganito:

“Mga kapatid, ano ang mapapala ng isang tao kung sabihin man niyang siya’y may pananampalataya, ngunit hindi naman niya pinatutunayan sa gawa? Maliligtas ba siya ng gayong pananampalataya?…Gayon din naman, patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa… ipakikita ko naman sa iyo ang aking pananampalataya. Sumasampalataya ka sa iisang Diyos, hindi ba? Mabuti iyan! Ang mga demonyo man ay naniniwala rin – at nangangatal pa. Ibig mo pa bang patunayan ko sa iyo, hangal, na walang kabuluhan ang pananampalatayang walang kalakip na gawa?” (Santiago 2:14-20).

May pagkakasalungat ba ang mga talatang nabangit? Sa isang masusing pag aaral hindi dapat ito tingnan bilang salungatan.

Sa paglalagay lahat ng mga Kasulatan patungkol sa paksa ng “Pananampalatayang nakapagliligtas” nang magkakasama, dito natin malalaman na may dalawang uri ng pananampalataya. At ang uri ng pananampalataya na tinatangap at pinagkakatiwalaan ng karamihan hanggang ngayon ay walang halaga sapagkat ito’y tinatawag na patay na pananampalataya (“dead faith”) at ito ay hindi kailanman makapaliligtas ng ng tao!

Pansinin! Sa Santiago 2:20, “Ang pananampalatayang walang kalakip na gawa ay walang kabuluhan” – isa lamang patay na pananampalataya.

Patuloy ni Santiago: “Si Abraham ay kinalugdan ng Diyos dahil sa kaniyang mga gawa nang ihandog niya sa dambana ang anak niyang si Isaac, hindi ba? Diya’y makikita mong magkalakip ang kaniyang pananampalataya at mga gawa, at nagging ganap ang kaniyang pananampalataya dahil sa kaniyang mga gawa. . . Diyan ninyo makikita na ibinibilang na matuwid ang isang tao dahil sa kaniyang mga gawa at ‘di dahil sa kaniyang pananampalataya lamang” (Santiago 2:21-24).

Samakatuwid ba’y naliligtas tayo sa pamamagitan ng mga gawa sa halip ng pananampalataya? “Hindi” ang nauukol na sagot sa ganito tanong. Tayo ay maililigtas sa pamamagitan ng pananampalataya pa rin! Subalit ang pananampalatayang nayari na may kasamang gawa at sa pamamagitan ng mga gawa, ang ating pananampalataya ay nagiging ganap! Iyan ang buhay na Panamanpalataya (o “living Faith”)!

Bakit kailangan natin ang pagliligtas? Sapagkat tayo’y nagkasala, at ang kaparusahan sa kasalanan ay kamatayan!

Ngunit paano tayo nagkasala? At ano ang kasalanan? “Ang kasalanan ay paglabag sa kautusan,” ang siyang sagot ng Panginoong Diyos (I Juan 3:4).

“Oo,” sagot ng tuliro sa ng mga makabagong paniniwala, “subalit wala kami sa ilalim ng Kautusan ngayon, kundi nasa ilalim ng biyaya! (“under grace”) Pakingan at unawain ang sinasabi ni Pablo: “Ngayon” tanong ni Pablo, “gagawa ba tayo ng kasalanan” – (labagin ang Kautusan) – “dahil sa wala tayo sa ilalim ng Kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang-loob (grace) ng Panginoong Diyos?” At ang sagot ni Pablo, “Hindi!” (Roma 5:15). At muli, “ano ngayon ang sasabihin natin? Patuloy ba tayong magkakasala (lalabagin ang Kautusan) upang sumagana sa atin ang kagandahang-loob ng Panginoong Diyos? HINDI! Tayo’y patay na sa kasalanan kaya’t hindi na tayo dapat mamuhay sa pagkakasala” (Roma 6:1-2).

Ang paglabag sa Kautusan ay may kaparusahang kamatayan. Ang Kautusan ay may kapangyarihan o bisa upang alisan ng buhay ang sino mang nagkakasala dito.   Samakatuwid ay higit na mas may kapangyarihan kaysa sa nagkasala – at nangingibabaw ito sa makasalanan, at may karapatan sa kaniyang buhay. Kaya nga ang sabi ang makasalanan ay nasa ilalim ng Kautusan (“under the law”).

Subalit kapag ang nagkasala ay nagsisi sa kaniyang kasalanan, at tinatanggap ang pag-aalay o sakripisyo ni JesuKristo bilang kabayaran sa kaparusahan ng Kautusan, siya ay pinapatawad na – “nasa ilalim ng kagandahang-loob ng maawaing Diyos” – ang Kautusan ay hindi na nangingibabaw sa kaniya upang angkinin ang kaniyang buhay. Iyong mga nagkakasala ang nasa ilalim pa ng Kautusan!

Ang mga taong sa pamamagitan ng pagsisisi, pagtalima sa Utos at pananampalataya ay tinatalikuran ang ‘di pagsunod sa Utos, at sa pamamagitan ng pananampalataya, ay sumusunod ito sa Kautusan, ay sila lamang ang tinatawag na nasa “ilalim ng biyaya ng Panginoong Diyos”!

Ang Espirituwal Na Salamin Ng Diyos

Ang susunod na talata ay masusing maunawaan: “Sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan ay wala sino-man ang matuwid sa Kaniyang paningin.” Ang mga katagang ito ay katutuhanan na nakabatay sa Kasulatan.  Ang isang tao ay kailan man ay hindi magiging matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan! Wala parin salungatan dito.

Bakit? Ang huling kalahati ng talatang una nang nabangit ang kasagutan – bakit karamihan ng mga mangangaral ay hindi ito pinapahalagahan? “ Yamang nakikilala ng tao ang kasalanan sa pamamagitan ng Kautusan” (Roma 3:20 ). Ito ang matamang pag unawa!

Ang layunin ng Kautusan ay hindi upang magpatawad, magbigay-matuwid, maghugas o maglinis ng mga kasalanan.  Tanging ang dugo ni JesuKristo lamang maaaring gumawa nito! Ang kasalanan ay ang paglabag sa Kautusan – iyan ang kasalanan. Ang layunin ng Kautusan ay upang sabihin sa atin kung ano ang kasalanan – ipaliwanag ito – ipakita ito, upang tayo’y matigil sa paggawa nito.

Ang mga kababaihan ay mauunawaan ito. Sa kanilang dala-dalang “handbag” ay kadalasan may maliit na salamin. Alam niya kung para saan ito. Paminsan-minsan ay kinukuha ito upang tingnan ang kaniyang sarili. Sa pamamagitan nito malalaman nya kung hindi maayos o may dumi sa mukha. At maaari niyang sabihin ang ganito, “sa paggamit ng  salamin na ito ay hindi nangangahulugang nalilinis nito ang isang maruming mukha. Ito ay maari lang magturo kung ano o saang bahagi ang dumi.”

Subalit itatapon ba ninyo ang inyong salamin dahil sa pamamagitan nila ay nakita ninyong hindi malinis ang inyong mukha? Siyempre hindi, ito ay tila walang kabuluhang tanong lalo na kung iugnay pa natin ito sa “material” na bagay! At kung itatanong namin sa inyo kung bakit ang inyong mukha ay nalinis ng inyong salamin, ang nararapat na sagot ay: “sapagkat sa pamamagitan ng salamin ay nagkakaroon ng kaalaman ng dumi.”

Sa ganito nababatay ang Kautusan ng Panginoong Diyos. Ito ay nagsisilbing espirituwal na salamin ng tao. Kung titingnan at ibabatay natin dito ang ating sarili ay makikita natin ang dumi sa ating puso! Subalit sa pagtingin sa Kautusan o pagtalima rito, walang duming maaalis sa ating puso – tanging ang DUGO ni JesuKristo ang makakagawa niyan. Sa pamamagitan ng Kautusan ay nagkakaroon tayo ng kaalaman ng kasalanan!

Pakinggan natin ang paliwanag ni Santiago! “Datapuwat maging taga-tupad kayo ng salita, at huwag tagapakinig lamang, na inyong dinadaya ang inyong sarili. Sapagkat kung ang sino man ay tagapakinig ng salita at hindi tagatupad ay katulad siya ng isang tao na tinitingnan ang kaniyang talagang mukha sa salamin. Sapagkat minamasdan niya ang kaniyang sarili, at siya’y umaalis at pagdakay kaniyang nalilimutan kung ano siya. Ngunit  ang nagsisiyasat ng sakdal na Kautusan,  ang Kautusan ay kalayaan, at nananatiling gayon, na hindi tagapakinig na lumilimot, kundi tagatupad na gumagawa at pagpapalain ang taong ito sa kaniyang ginagawa” (Santiago 1:22-25).

Subalit sasabihin ng taong  manlilinlang na, “walang taong maaaring makasunod sa mga Kautusan na hindi ito makakayanan ng tao. Dahil para sa kanila  ang pananampalataya ay dumating na, hindi na tayo kailangang sumunod sa Kautusan – pinawalang-bisa na ito ng pananampalataya.” Pansinin at unawain ang mga kasagutan dito:

Datapuwat “si Satanas man ay nagkunwaring anghel ng kaliwanagan.” “Kaya hindi kataka-taka na nagkunwaring lingkod ng katuwiran ang kaniyang mga lingkod – sapagkat hindi sila tunay na apostol kundi nandaraya lamang at  nagkukunwaring mga apostol ni Kristo” (II Corinto 11:13-15).

“Dahil dito’y winalang-kabuluhan ba naman ang Kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya?” Iyan ang katanungan, sa kinasihang Kasulatan (“inspired Scriptures”) – at ang sagot: Huwag nawang mangyari: kundi pinagtitibay pa nga natin ang kautusan! (Roma 3:31).

Oo, ang pananampalataya ang nagpapatibay  ng Kautusan! Sa pagsunod dito ang  tamang Pananampalataya ay nagiging ganap!

Ngunit, maari ba nating masunod ang mga Kautusan? Posible kaya? Iyong “Walang Kautusan” na mga lingkod ni Satanas ay magsasabing, “Hindi”! Ano ang talagang katotohanan?

Isipin ninyo. Ang isang makatuwirang Diyos ba ay iuutos sa mga tao na gawin ang mga bagay na hindi pala maaaring magawa or maisasakatuparan kailanman? O aakalain ba natin na si Hesus ay may kakaibang taglay na kaalaman o kapangyarihan na higit pa kaysa Kaniyang Ama, at Siya ay may kakayanang magpawalang-bisa sa mga Kautusan (“Commandments”) ng Kaniyang Ama? Ito ay nakakatawa ‘di ba? Ngunit ito ang laganap at tinatangap na palagay o opinyon ngayon! 

Ang Kautusan Ay Walang Hanggan

Ang Kautusan ng Panginoong Diyos ay hindi isang nakakakilabot na Utos! Ang isang matuwid at wastong mga batas o Kautusan ay nagbibigay takot lamang sa mga salarin o kriminal – ang mga ito ay ginawa upang ipagsanggalang (o ipagtangol) ang mabubuti! Ang Batas (Law) o Kautusan (Commandment) ng Panginoong Diyos ay sakdal (ganap, lubos) (Mga Awit 19:7), “banal” na Kautusan (Roma 7:12), at “espirituwal” (Roma 7:14). Maaasahan ang lahat Niyang batas, ito ay mananatili at “di magwawakas” (Mga Awit 111:7-8). Huwag ninyong paniniwalaan kung iba ang sasabihin o ituturo sa inyo!

Ang Kautusan ng mapagmahal na Diyos, sa madaling-sabi, ay pag-ibig! Ito ang ganap na “daan ng buhay” (way of life).  Bawat katiting na pagdurusa ng tao, kalungkutan, paghihirap at kamatayan ay nag-uugat sa paglabag nito! Ibinigay ito upang ang tao ay maging maligaya, at ito lamang ang pilosopiya ng buhay na makagagawa nito! Galing ito sa mapagmahal na Diyos ng Pag-Ibig, at ang totoong pag-ibig ay ang pagtupad o pagganap sa Kautusan!

Ngunit hindi sa atin likas o natural na pagmamahal! Kinakailangan “ang pag-ibig ng DIYOS na ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin” (Roma 5:5).

Ang maunawaing Diyos ay ibinigay sa atin ang pag-ibig na makatutupad  ng Kaniyang batas. Kaya’t purihin ang Kaniyang banal na Pangalan –sa pamamagitan ng isang pananampalataya, na kaloob o handog ng Banal na Espiritu, dito tayo makasusunod sa Kaniyang mga Kautusan! “At sino man na taliwas ang sinasabi o sumusuway dito, ang tawag sa kanya ng  Diyos ay SINUNGALING” (I Juan 2:4).

Ang talagang tumutupad sa mga Kautusan ay buong-pusong magtitiwala sa Panginoong Diyos upang siya’y makasunod. Sa ganito natin mauunawaan na ang pananampalataya ay hindi nagpapawawalang-bisa, kundi pinagtitibay pa nito ang pagsunod sa Kautusan. At ang pagsunod sa Kautusan ay nangangailangan ng pananampalataya!

Ang nakakabilib na halimbawa ng tunay at buhay na pananampalataya ay mababasa natin sa aklat ni Daniel. Si Nabucodnosor (Nebuchadnezzar), hari ng Babilonia, ay nagpagawa ng rebultong ginto:

“Nang nasa harap na sila ng rebulto, malakas na ipinahayag ng tagapagbalita: “Iniuutos sa lahat ng tao mula sa alinmang bansa at wika, na magpatirapa at sumamba sa rebultong ito sa sandaling marinig ang tunog ng banda” (Daniel 3:4-5). “Sino mang hindi sumunod sa utos na ito ay ihahagis sa naglalagalab na pugon” (6).

Ang itinalaga sa mga gawain ng lalawigan ng Babilonia ay ang tatlong nakababatang mga Hudyong kaibigan ni Daniel, sina Sadrac, Mesac at Abednego. Isa sa mga Kautusan ng makapangyarihang Diyos ay ang pagbabawal sa pagsamba ng mga diyos-diyusan at rebultong imahe.

Kung kayo ang nasa kanilang kalagayan, ano ang inyong gagawin? Hindi kaya ninyo sasabihing, “Kailangan kong yumukod sa imaheng ito, o ako’y kanilang papatayin!” At marahil idadahilan natin sa ating sarili ang ganito: “Sa palagay ko’y hindi makatarungan ang Panginoong Diyos kapag pinarusahan ako ng ganito, gayong alam Niyang sapilitan akong pinagawa nito.

Gayon pa man, Siya na rin ang nagsabing dapat sumunod sa mga makapangyarihan, hindi ba?” Totoo ngang madaling mangatuwiran kung ang pagsuway sa Diyos ang ating gagawin. Subalit ang  Panginoong Diyos ay hindi naghahanap ng pagkakataon upang tayo’y parusahan – bagkus sa mga pagkakataon upang tayo’y iligtas sa pamamagitan ng tutoong pananampalataya!  Upang iligtas tayo sa kabuktotan at kahangalan ng kasalanan at sa malungkot na ibubunga ng ating mga pagsuway.

Kung ano ang ating itinanim ay siya nating aanihin. Ang layunin ng Kautusan ay upang ipagsanggalang at ilayo tayo sa epekto ng kasalanan na kadalasan ay nauuwi sa pagdurusa. Hindi dahil sa ang Diyos ang nagpaparusa sa atin kung tayo’y nagkakamali, kundi ang resulta at epekto ng sarili nating mga maling gawa siya nating inaani.

Subalit ang tatlong kabataang Hudyo na sina Sadrac, Mesac at Abednego ay alam ang katotohanan – na kailangang sumunod sila sa makapangyarihang DIYOS, at hindi sa tao – na ito’y nangyari bilang pagsubok sa kanilang pananampalataya sa Panginoong Diyos. Nang  sila’y buong katatagang tumangi na yumukod upang sambahin ang imahe ng hari, nagalit si Nebucodnosor at iniutos na iharap ang mga ito sa kanya (Daniel 3:13).

Pakinggan ninyo ang tahimik, buong pagtitiwala, at walang takot na sagot nila: “Mahal na hari – ang Diyos na aming pinaglilingkuran ang magliligtas sa amin sa pugong iyon at sa inyong kapangyarihan!” (v 16-18).

Minsan ay sinusubok ang ating pananampalataya. Ito ang nangyari sa tatlong Hudyo sa Babilonya. Aakalain ninyo na pinabayaan na sila ng mahabaging Diyos, subalit hinayaan lang na masubok ang kanilang pananampalataya.

Namula si Haring Nabucodnosor sa tindi ng galit…kaya iniutos niyang painiting makapitong ibayo ang pugon. “Ginapos nga sila nang ‘di na inalis ang pantaloon, baro, gora o alinman sa kanilang kasuotan” – walang ano mang katibayan na sila’y pinakinggan ng mahabaging Diyos! – “At sila’y inihagis sa gitna ng nagbabagang hurnong nagniningas!” (v 19-21).

Ang hurno (pugon) ay napakainit na lumalagablab at “napatay ng liyab ng apoy ang mga lalaking iyon na nagsibuhat kay Sadrach, Mesach at kay Abednego. At sila’y bumagsak na nakagapos sa gitna ng mabangis na hurmong nagniningas!”

Sadyang hinayaan sila ng makapangyarihang Diyos na maihagis sa nagliliyab na apoy!  Hindi Niya kaya alintana iyong mga nagtitiwala sa Kanya upang kanilang masunod ang Kaniyang mga Kautusan? Hindi, para sa  makapangyarihang Diyos!

Tumingin ang hari sa hurno at sinabi niya “bakit apat ang nakikita kong lalakad-lakad sa apoy at hindi nasusunog? At yaong isa tulad ng Anak ng Diyos” (v 25).

“Si Haring Nabucodnosor ay lumapit sa bunganga ng hurno. Sinabi niya. “Halikayo rito, Sadrach, Mesach at Abednego, mga lingcod ng Kataas-taasang Diyos.” Lumabas sina Sadrach, Mesach at Abednego mula sa kalagitnaan ng apoy…ngunit wala man lang nakitang bakas na likha ng apoy sa katawan ng tatlo. Hindi nasunog kahit bahagya nang kanilang buhok, hindi naano ang kanilang kasuotan, ni hindi sila nag-amoy usok. Dahil dito sinabi ng hari, “purihin ang Diyos nina Sadrach, Mesach at Abednego! Nagsugo Siya ng anghel upang iligtas ang mga lingcod Niyang ito na ganap na nanalig sa kanya!” (v 26-28).

Iyan ang halimbawa ng buhay na pananampalataya!

Isang pananampalatayang nagtiwala sa Panginoong Diyos, upang  maaaring mamuhay nang ayon sa Kanyang mga Kautusan! Oo, sa Makapangyarihang Diyos, maari nating gampanan o sundin ang lahat ng kaniyang Kautusan – at huwag kayong palilinlang sa mga taong iba ang itinuturo!

Maaari Ka Bang Maniwala at Sumamba Kay Kristo Nang Walang Kabuluhan?

Nang sabihin ng Panginoong Diyos na: “maniwala ka sa Panginoong JesuKristo at ikaw ay maililigtas,” ay hindi nangangahulugan ito ng isang patay (o walang buhay at kabuluhan) na pananampalataya na ipinangangaral ng karamihan! Bagama’t sa panahong ito ay binabaluktot ang itinuturo upang umayon sa karaniwang paniniwala sa katotohanan ng pagiging buhay ni JesuKristo, ang Kaniyang pag-aalay at ang Kanyang gawain sa pagliligtas.

“Tanggapin mo lang ang katotohanan, at tanggapin mo Siya – nang walang pagsunod sa mga Kautusan ng Panginoong Diyos!” Subalit, ang mga demonyo ay naniniwala rin sa mga bagay na ito – at sila’y nagsisipanginig (Santiago 2:14-20)!

Si Jesu-Kristo ang Sugo (tagahatid ng Balita o “Good News”) ng Bagong Tipan – Sugong galing sa Panginoong Diyos.  Hindi ka maniniwala sa ganyang  banal na Sugo, hangga’t hindi ka naniniwala at sumunod sa mga salita’t kalatas na dinala Niya: “Kung ibig mong magkamit ng Buhay,” ‘yan ang Kaniyang pangaral, “Sundin mo ang mga Utos!

Pagsisihan ninyo,” sabi ni Pablo, “at talikdan ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni JesuKristo upang kayo’y patawarin at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Banal na Espiritu” (Gawa 2:38).

Ipinagkakaloob ng makapangyarihan Diyos ang Banal na Espiritu sa mga “tumatalima [sumusonod] sa Kanya (Gawa 5:32). Ang Kaniyang Banal na Espiritu ang siyang pag-ibig na ibinibigay ng Panginoong Diyos sa atin upang matupad ang Kaniyang mga kautosan! At lahat nang ito’y sa pamamagitan ng pananampalataya!

Dumating si JesuKristo upang iligtas tayo mula sa, hindi ng nasa,  ating kasalanan! Upang tayo’y mapalaya mula sa pagka-alipin sa kasalanan at sa kalungkutan at kapaitang dulot nito – hindi upang malaya tayong gumawa ng kasalanan!

Maaari kaya na maniwala kay JesuKristo – at sambahin Siya – sa pangkaraniwang gawain ngunit hindi pa rin maliligtas? Si JesuKristo na ang nagsabing, “Oo!”

“Hindi lahat ng tumatawag sa Akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa Kaharian ng langit, kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban ng Aking Amang nasa langit” (Mateo 7:21).

Pakinggan ninyo Siyang muli:

“Pagpuri’t pagsambang pinagawa nila’y walang kabuluhan, Ang utos ng tao ay itinuturong utos ng Maykapal!”(Marcos 7:7-8).

Nagmula mismo sa bibig ng panginoong Jesus! Ang ganyang mga “patay na pananampalataya” – ang ganyang pagsamba – ay walang kabuluhan! Ang mga nagtitiwala rito, ang mga tao at mga iglesiang nagtuturo nito, ay hindi mangaliligtas! At kung ito ay higit na mauunawaan kaagad, ito’y higit na makakabuti sa atin!

Ang layunin ng mahabaging Diyos sa Pagliligtas ay upang sagipin tayo mula sa KASALANAN at sa magiging bunga nito na kalungkutan, pagdurusa at kamatayan!

Ang pagsisisi (o pagtalikod) sa kasalanan ang siyang unang hakbang! Pagkatapos ang dugo ni Jesu-Kristo, pagkatanggap natin at ang pananalig, ang maglilinis sa atin sa lahat ng nakaraang pagkakasala. At sa pamamagitan ng PANANAMPALATAYA tayo ay ilalayo sa kasalanan sa hinaharap. Kaya’t ang ibubungang kabanalan ay galling sa PANANAMPALATAYA – ito ang kabanalang ipinagkaloob ng Panginoong Diyos.

Hindi tayo pinawawalang-sala (justified) sa sa pamamagitan ng mga KAUTUSAN – tayo ay pinawawalang-sala o binigyang-matuwid sa pamamagitan ng dugo ni JesuKristo! Subalit ang pagpapawalang-sala ay ibinibigay lamang sa atin kung  tayo ay MAGSISISI sa ating mga pagkakasala o paglabag sa mga batas ng Panginoong Diyos – samakatuwid ang mga tumatalima lamang sa mga Kautusan ang pawawalang-sala (Roma 2:13).

Napakaliwanag at napakaganda ng katotohanan nang mapagmahal, mapagpatawad at maunawaing Diyos!

You are here: Home Filipino Writings/Publications Anong Uri Ng Pananampalataya Ang Kailangan Upang Maligtas?