Ano Ang Gagawin Ko Sa Kasalanan Ng Iba?

sins-of-othersKung itatanong ang tanong na nasasaad sa itaas sa 10 mag-aaral ng Biblia, maaaring makatanggap ka ng 10 magkakaibang sagot. Maaaring sabihin nilang “ibaling ang kabilang pisngi,” “patawarin sila,” “sabihin sa kanilang magsisi,” “magbigay ng katarungang paghuhusga,” “layuan sila,” “tuunan ng pansin ang sarili mong kasalanan,” at iba pa. Ang lahat ng ito at marami pang iba ay makikita sa Biblia.

Ang anumang dapat kong gawin tungkol sa kasalanan ng iba ay nababatay sa uri ng kasalanan, sino ang may kasalanan, kanino sila nagkasala, ang relasyon nila sa akin, at sino ang nakakaalam tungkol dito. Nangangahulugan bang ang makapangyarihang Diyos ay di makatarungan at may kinikilingan sa mga taong nagkasala? Hindi!

“…hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao; sapagkat ang tao ay tumitingin sa mukha, ngunit ang Panginoon ay tumitingin sa puso.” (I Samuel 16:7)

Pantay-pantay ang pagtingin ng Panginoong Diyos sa tao. Alam Niya ang ating mga layunin; at may kapangyarihan at kakayahan Siyang harapin ang lahat ng kasalanan ng mga tao. Alam Niya kung ano ang pinakamainam na paraan sa bawat tao sa pangmatagalan samantalang tayo’y karaniwang hindi. Dahil ito sa ating limitadong kakayahan na kinakailangang iba-iba ang pakikiharap natin sa iba-ibang tao sa iba’t-ibang sitwasyon. Sa paggawa Niya ng batas para sa mga tao kaugnay sa kasalanan ng iba, kinakailangang bigyan ng hangganan ng Panginoon ang maidudulot na kapinsalaan nito kung pagbibintangan natin ang iba sa kasalanang hindi nila ginawa.

Mga Kasalanang Wala Tayong Pakialam

Ang nagdaraan at nakikialam sa pag-aaway na hindi ukol sa kaniya ay gaya ng humahawak ng aso sa mga tainga.” (Kawikaan 26:17)

Kung nakakakita ako ng isang taong nagkakasala laban sa iba, sa isang pook na hindi ako responsable, dapat ay hayaan ko sila. Bilang halimbawa, ipagpalagay nating nakakita ako ng dalawang taong nagsusuntukan, nakita nila ako subalit hindi naman humingi ng aking tulong, at sila ay wala naman sa lupa o sa gusaling pag-aari ko, hindi ako dapat makialam o dili kaya’y magpunta ako sa iba at ipagsabi ito, dahil hindi ko alam ang puno’t dulo ng pangyayari at kung ito’y napag-kasunduan na, sino ang nagsisi, at iba pa.

Huwag ninyong ipamamalita ang kasiraang-puri ng iyong kapwa ni sasaksi laban sa inyong kapwa upang ipahamak lamang siya.” (Levitico 19:16)

May mga pangyayari naman na kung saan ay dapat akong magsalita: Sa pagpapatuloy ng halimbawang naturan na, ipagpalagay nating may isa akong mabuting kaibigan na nagsabi sa akin na nagbabalak siyang kumuha ng isang bagong kasama sa kwarto o nagsisimulang makipag-nobyo, at lumalabas na ang taong ito ay siyang nakikipagsuntukan sa halimbawang naturan sa itaas, marahil nakabubuting ipaalam ko ito sa kaibigan.

May alam akong isang kaso na kung saan ang isang babae ay nakikipagkita sa iba at nakatuluyan ang lalaking nakagawa ng isang marahas na krimen. Isang malapit niyang kaibigan ang nakasaksi, subalit inisip niyang hindi niya kailangang sabihin ito sa babae. Matapos magka-anak ng dalawa at mabigo sa buhay may asawa, ay saka pa lang sinabi ng kaibigan, subalit huli na ang lahat.

Salitang sinalita sa kaukulan ay gaya ng mga mansanas na ginto sa mga bilaong pilak.” (Kawikaan 25:11)

Kasalanan Sa Akin Ng Isang Di Naniniwala

Kung ang isang tao ay nagkasala sa akin noong panahon ng Lumang Tipan, dadalhin ko ito sa mga hukom na itinalaga sa lupain.

Maghahalal ka sa iyo ng mga hukom at ng mga pinuno sa lahat ng iyong mga pintuang-daan, na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos ayon sa iyong mga lipi; at sila’y hahatol sa bayan ng matuwid na paghatol.” (Deut. 16:18)

Ang dalawang taong may usapin ay tatayo sa harap ng Panginoon, sa harap ng mga saserdote at ng mga magiging hukom sa mga araw na yaon.” (Deut. 19:17)

At kung ang sinuman ay makasakit sa kaniyang kapwa: ayon sa ginawa niya ay gayon ang gagawin sa kaniya: Bugbog kung bugbog, mata kung mata, ngipin kung ngipin: ayon sa kaniyang pagkasakit sa tao, ay gayon din ang gagawin sa kaniya.” (Levitico 24:19-20)

Ang parusang kamatayan ay ipinag-utos sa pagpatay, panggagahasa, pagnanakaw ng tao, at iba pang mabibigat na krimen. Ngunit maliban sa pagpatay, ang isang kriminal ay pinahintulutang magbayad ng karampatang bayad o danyos sa biktima, sa halip na danasin ang pasakit sa sarili (Exodo 21:22, 29-30, Bilang 35:31).Nasa biktima at sa hukom ang pagpataw ng halaga, subalit ito’y ang karampatang halaga sa krimen.

Sa Bagong Tipan, itinuro ni JesuCristo na ang krimen ay di dapat gawing oportunidad na pagsama-samahin ang mga kahatulan, bagkus ay isang pagkakataon upang ipadama ang pag-ibig sa mga nagugulumihanang tao:

Datapwa’t sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong makilaban sa masamang tao: kundi sa sinumang sa iyo’y sumampal sa kanan mong pisngi, iharap mo naman sa kaniya ang kabila.

“At sa taong ibig na ikaw ay ipagsakdal, at kunin sa iyo ang iyong tunika, ay iwan mo rin naman sa kaniya ang iyong balabal.

“At sa sinumang pipilit sa iyo na ikaw ay lumakad ng isang milya, ay lumakad ka ng dalawang milya na kasama niya.

Bigyan mo ang sa iyo’y humihingi, at huwag mong talikdan ang sa iyo’y nangungutang.

Narinig ninyong sinabi, iibigin mo ang iyong kapwa, at kapopootan mo ang iyong kaaway: Datapwa’t sinasabi ko sa inyo, ibigin ninyo ang inyong kaaway, at idalangin ninyo ang sa inyo’y nagsisiusig; Upang kayo’y maging mga anak ng inyong Ama na nasa langit: sapagkat pinasisikat Niya ang kaniyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga ganap at sa mga hindi ganap.” (Mateo 5:39-45)

Ang pag-uugali ng mga naniniwalang biktima ang siyang binigyang pag-asa ni JesuCristo para magbago. Ang mga pamahalaan ay dapat pa ring parusahan ang mga kriminal. (Roma 13:1-3)

Mga Kasalanan Sa Akin Ng Mga Kapatid Sa Pananampalataya

At kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, (1) pumaroon ka, at ipakilala mo sa kaniya ang kaniyang kasalanan na ikaw at siyang mag-isa: kung ikaw ay pakinggan niya, ay nagwagi ka sa iyong kapatid.”

(2)”Datapwa’t kung hindi ka niya pakinggan ay magsama ka pa ng isa o dalawa, upang sa bibig ng dalawang saksi o tatlo ay mapagtibay ang bawat salita.

(3)”At kung ayaw niyang pakinggan sila, ay sabihin mo sa iglesia: at kung ayaw rin niyang pakinggan ang iglesia, ay ipalagay mo siyang tulad sa Gentil at maniningil ng buwis.” (Mateo 18:15-17)

Sa pamamagitan ng paggamit sa tatlong paraang nauna nang naisaad, maiibsan ang samaan ng loob ng mga nananampalataya. Bihirang-bihira na kailangang gawin ang tatlong paraan. Kung ang isang nananampalataya ay nakagawa sa akin ng isang bagay na inaakala kong mali, kakausapin ko muna siya. Kung sabihin kong “hindi siya makikinig,” marahil ang bagay na ito ay walang kuwenta – na dapat kong palampasin na lamang at huwag magreklamo sa iba tungkol dito.

Kung ang bagay na ikinasama ng loob ay kailangang pag-usapan, dapat akong magkaroon ng lakas ng loob na makipag-usap. Kung ang taong iyon ay mapagtanto na kung hindi siya makikinig ay sasabihin ko sa dalawa o tatlong iba pang nananampalataya ang tungkol sa bagay na iyon, pagsusumikapan na niyang lutasin ito bago magdamay pa ng ibang tao.

Ang pinakahuling paraan ay ang dalhin ito sa “iglesia” na maaaring isang samahang lokal, pangkat ng mag-aaral o iba pang pangkat ng nananampalataya. Kung di nararapat na ako’y humatol sa kapalaran ng iba (Mateo 7:1-2; Roma 14:10-13; I Corinto 4:5), kusang loob akong dapat tumulong sa paghatol sa kasalukuyang mga alitan upang ang ibang nananampalataya ay maiwasan ang mga hukuman ng mga hindi nananampalataya:

Nangangahas baga ang sinuman sa inyo, kung mayroong anumang bagay laban sa iba, na siya’y magsakdal sa harapan ng mga liko, at hindi sa harapan ng mga banal? O hindi baga ninyo nalalaman na ang mga banal ay magsisihatol sa sanlibu-tan? At kung ang sanlibutan ay hahatulan ninyo, hindi kaya baga dapat magsihatol kayo sa mga bagay na pinakamaliit?” (I Corinto 6:1-2)

Ang paraang ito ay mabisa sa mga situwasyong simple gaya ng isang nananampalataya na hindi magsasabi ng “kumusta” sa akin. Mabisa rin ito kung ang isang tao ay dinaya ako sa isang negosyo, nagtuturo ng maling doktrina, at iba pa. Maaari rin itong gamitin kung ang isang tao ay nagkasala sa mga taong ako ang responsable – mga anak at iba pang hindi makagagawa nito sa kanilang mga sarili.

Mga Nananampalatayang Nagkakasala Sa Iba

Kapag nakakakita tayo ng iba na inaakala nating nagkakasala, natural na sa atin ang magtsismis.

Mga kapatid, kung ang sinuman ay masumpungan sa anumang pagsuway, kayong mga nasa espiritu, ay inyong papanumbalikin ang gayon sa espiritu ng kahinhinan; na iyong pagwariin ang iyong sarili, baka ikaw naman ay matukso. Mangagdalahan kayo ng mga pasanin ng isa’t isa, at tuparin ninyong gayon ang kautusan ni Cristo.” (Galacia 6:1-2)

Ang pagpapanumbalik sa isang tao ay nangangahulugan ng matiyagang pakikipag-usap sa kaniya at pagtulong na makaalis sa kaniyang kasalanan. Ang pinakamabisang taong makagagawa nito ay karaniwang isang taong nakaranas na nito at nakalampas sa tukso.

Ito ang dahilan kung bakit si Apostol Pablo ay binalaan ang tumutulong na huwag makisalo sa kasalanan. Maaaring isa itong suliranin sa pag-inom ng inuming nakalalasing, droga, sex at iba pa. Kung hindi ako makatulong sa taong may partikular na kasalanan, maaaring may alam akong makatutulong, subalit hindi ko dapat na misyon ang ipagsabi ito sa iba maliban na lang kung malalagay sila sa panganib.

Mahalaga rin na mapagtanto na ang Biblia ay hindi nagbibigay ng karapatan sa mga nananamplataya na hanapin ang kasalanan ng iba. Kung ang isang nananampalata ay lihim na nadawit sa isang kasalanan, at nailigtas siya rito sa pamamagitan ng kapangyarihan ni JesuCristo, di na kailangang hanapin o saliksikin pa ito.

Na una sa lahat ay maging maningas kayo sa inyong pag-iibigan; sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng karamihang kasalanan.” (I Pedro 4:8)

Mga Hayagang Kasalanang Alam Ng Publiko

Sa kasalukuya’y nababalita na sa inyo’y may pakikiapid, at ang ganyang pakikiapid ay wala kahit sa mga Gentil, na isa sa inyo’y nag-aari ng asawa ng kaniyang ama. At kayo’y mga mapagpalalo, at hindi kayo bagkus nangalumbay, upang maalis sa gitna ninyo ang gumagawa ng gawang ito.” (I Corinto 5:1-2)

Kung may isang taong nagdadala ng kahihiyan sa isang samahan dahil sa hayagang paggawa ng kasalanan, dapat siyang pagsabihang huwag makihalu-bilo hanggang hindi nalulutas ang suliranin. Kung patuloy akong maging kasapi ng isang samahan (o klab, “choir,” o iba pang mga pangkat ng Kristiyano) na walang ginagawa sa isang taong nagkakasala nang matindi, ibinabadya nito sa iba na “walang kabuluhan ang kasalanan.” (Ang mga lihim na kasalanan ay maaaring kasingsama, ngunit di ganoon kalaki ang epekto sa iba.)

Mga Pinuno Ng Iglesia

Dapat nga na ang obispo ay walang kapintasan, asawa ng isa lamang babae, mapagpigil, mahinahon ang pag-iisip, mahusay, mapagpatuloy, sapat na makapagturo; Hindi magulo, hindi palaaway, kundi malumanay, hindi makipagtalo, hindi maibigin sa salapi; Namamahalang mabuti sa kaniyang sariling sambahayan, na sinusupil ang kaniyang mga anak na may buong kahusayan; (Ngunit kung ang sinuman nga ay hindi marunong mamahala sa kaniyang sariling sambahayan paanong makapamamahala sa iglesia ng Diyos?)” (I Timoteo 3:2-5)

Ang iba pang bahagi ng kabanatang ito maging ang unang kabanata ng Tito ay nagbibigay ng ibayo pang pamantayan para sa mga pinuno na ang karamihan ay tungkol sa pag-uugali. Ang paraan ng pamumuhay ng Banal na Diyos ay nararapat na ituro sapagkat ito ay mabuti at mabisa.

Nais ng Panginoong Diyos na ituro ito sa mga taong isinasabuhay ito, hindi ng mga taong nagbebenta na maaaring pagandahin ito, subalit wala naman sa kanilang puso. Kung minsan, binibigyan tayo ng Panginoong Diyos ng mga mapagsamantalang pinuno upang tayo’y subukan kung susundin natin siya o ang tao. (Deuteronomio 13:1-3; 2 Corinto 11:13-15; I Juan 4:1; Apokalipsis 2:2). Hindi ako dapat makisama sa karamihan, kundi sundin ang Panginoong Diyos.

Bantayan Ko Muna Ang Sarili Sa Pagkakasala

Sapagkat tayong lahat ay kina-kailangang mahayag sa harapan ng hukuman ni Cristo; upang tumanggap ang bawat isa ng mga bagay na ginawa sa pamamagitan ng katawan, ayon sa ginawa niya, maging mabuti o masama.” (2 Corinto 5:10)

 

 


 

Ang lathalaing ito ay ipinapamahagi sa pakikipagtulungan ng Church of God at Imus City, Cavite 183 Greenfield Subdivision Bayan Luma II, Imus City, Cavite

You are here: Home Filipino Writings/Publications Ano Ang Gagawin Ko Sa Kasalanan Ng Iba?