Kailan Magpapagaling Ang Diyos?

hands-prayAng Banal na Kasulatan o Bibliya ay nagtatala ng maraming pangyayari tungkol sa mahimala at dagliang pagpapagaling ng mga may sakit. Ang iba ay mananampalataya ang iba nama’y hindi. Kahit sa huling kabanata ng aklat ng “Mga Gawa” ng mga apostoles ay nasusulat ang maramihang pagpapagaling:

“… ay nagsiparoon naman ang ibang maysakit sa pulo, at pawang pinagaling.” Mga Gawa 28:9

Sa panahon ngayon, ang mga Kristiyano sa iba’t-ibang mga grupo at denominasyon ay nag-uulat ng mga mahimalang pagpapagaling ng mga may sakit. Subalit ang mga ito din ay nagsasabi na may mga mananampalataya sila na matagal nang naghihirap dahil sa kanilang mga sakit na inaabot na ng mga taon—kahit na sila ay nananalangin para sa kanilang pagpapagaling.

Marahil bawat isa sa atin ay may mga kakilalang namatay dahil sa karamdaman o sakit at maaring ang ilan sa kanila ay mga bata pa.

Ano Ang Dapat Nating Gawin Tungkol Sa Pagpapagaling

Paano ba magkaroon ng pananampalatayang naaayon sa Bibliya ang isang Kristiyano para siya’y gumaling (Mateo 9:22, 13:58; Mga Gawa 14:9)? Samantalang alam din natin na ang Diyos ay hindi laging nagpapagaling sa lahat ng pagkakataon?

Anu-ano ang mga pangako ng Panginoong Diyos na may kalakip na pagpapagaling? Lagi ba Siyang tumutupad sa mga pangakong ito? Kailan nagpapagaling ang Panginoong Diyos?

May malinaw na kasagutan ang Bibliya sa sa mga katanungang ito!

Una, suriin natin ang mga kadahilanan ayon sa Bibliya kung bakit ang mga tao ay hindi gumagaling kaagad, at kung bakit ang iba nama’y gumaling agad. Dito natin makikita kung kailan ipinapangako ang pagpapagaling, at ano ang dapat natin gawin, at kung kailan ang mga mangagamot o doktor ay aakma sa pagpapagaling na naaayon sa Bibliya.  

Mga Dahilan Kung Bakit Minsan Ang Pagpapagaling Ay Hindi Kaagad

1. Ang Sarili Nating Kasalanan.

Pinatatawad ng Panginoong Diyos ang ating mga kasalanan, subalit hindi nito nangangahulugan na maalis nito ang mga pisikal na resulta o epekto nito (physical consequence).

Kapag ang isang mamamatay tao ay nagsisi sa kanyang kasalanan, hindi nito maibabalik pa ang buhay ng biktima. Kapag ang isang nakiapid ay nagsisi, hindi nangangahulugan ito na mawawala na lamang ang mga anak sa labas. Ang ninakaw na ari-arian ay di himalang lilitaw uli—kahit na ang nagsising magnanakaw ay piliing ibalik pa ito (Lucas 19:9)

Sa pamamagitan nito, makikita natin ang masamang dulot at pangmatagalang epekto ng ating mga kasalanan at ng sa gayon  nanaisin na natin ang mga kabutihan ng Diyos.

Nang patayin ni Haring David si Uria at napasakanya si Batsheba, pinatawad siya ng Panginoong Diyos sa kaniyang kasalanan subalit and kanilang anak ay nanatiling may sakit at binawian ito ng buhay pagkaraan ng isang linggo. (2 Samuel 12:13-17)

Isang kahalintulad na sitwasyon ay nang ang mga taga-Corinto ay nagkasala sa Diyos kaya’t sinabi sa kanila ni apostol Pablo ang sumusunod: “Dahil dito’y marami sa inyo ang mahihina at masasakitin, at hindi kakaunti ang nangatutulog [nangamatay].” (I Corinto 11:30)

2. Ang Mga Kasalanan Ng Iba

Si Jesu-Kristo ay nagdusa dahil sa mga kasamaan at kasalanan ng iba.  Tayo ay nagdurusa dahil sa sarili nating kasalanan at maaring dahil sa kasalanan ng iba. Sa ganitong paraan nauunawaan natin ang kahalagahan ng patuturo sa bawat isa upang sumunod sa Panginoong Diyos.

Ito’y mahalagang maunawan sapagka’t kung ang Makapangyarihang Diyos ay naising alisin ang mga epekto ng paghihirap dahil sa kasalanan ng iba, ang mundo ay magiging isang artipisyal na lugar at walang maitatalang tama sa kasaysayan na ginawa ng mga tao.

“Bagama’t Siya’y Anak, gayunpama’y natuto ng pagtalima sa pamamagitan ng mga bagay na kaniyang tiniis” (Hebreo 5:8)

“Palibhasa’y nagbata siya sa pagkatukso, siya’y makasasaklolo sa mga tinutukso.” (Hebreo 2:18)

Maging si Jesu-Kristo at ang mga apostoles ay nagtiis sa mga abusong pisikal na maaring higit pa sa mga sakit, subalit ang mga ay magkahalintulad.

Ang mga tao ay pisikal na nasasaktan kung may sadyang nanakit sa kanila o may ginawang pagpapabaya (halimbawa, ang mabilis na pagpapatakbo ng sasakyan) na humantong sa aksidente’t pagkasugat. Kahalintulad nito, maraming sakit ay nagmumula sa sadyang kapabayaan sa sarili, o ang isang tao ay may taglay na mapanganib na mikrobyo, o naging  pabaya sa pagkain, sa mga bagay na nakakarumi sa paligid at iba pa.

Ang mga ito ay nagiging dahilan nang pagkakasakit ng maraming tao na resulta ng kanilang pagaabuso o kasalanan.

Ang Diyos ay hindi kaagad pinagaling si Jesu-Cristo kanyang mga palo, o suntok at sugat sa pagkakapako sa krus. Si Pablo ay di agad pinagaling sa kaniyang mga sugat nang siya’y nasa kulungan (Mga Gawa 16:33). Maging sila ay nagdusa dahil sa kasalanan ng iba.

"Kaya nga, mga kapatid, ipimamanhik ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na inyong iharap ang inyong mga katawan na isang haing buhay, banal na kaaya-aya sa Diyos na siya niinyong katapatang pagsamaba” (Roma 12:1)

At kung mga anak, ay mga tagapagmana nga; mga tagapagmana sa Diyos, at mga kasamang tagapagmana ni Kristo, kung gayon nga makapagtiis tayo sa Kaniya, upang tayo’y lumuwalhati namang kasama Niya (Roma 9:17)

3. Ang Katangi-tanging Layunin Ng Panginoong Diyos.

Ang ibang sakit ay di dahil sa kasalanan ng kahit sinuman.

“At itinanong sa Kaniya ng Kanyang mga alagad, na nangagsasabi, Rabi, sino ang nagkasala, ang taong ito o ang kaniyang mga magulang, upang siya’y ipanganak na bulag? Sumagot si Jesus, Hindi dahil sa ang taong ito’y nagkasala, ni ang kaniyang mga magulang man: kundi upang mahayag sa kaniya ang mga gawa ng Diyos” (Juan 9:2-3)

Ang taong ito ay naging bulag na sapul pa sa kanyang pagkapanganak hanggang sa kanyang pagbibinata. (Juan 9:20-21), hindi dahil sa nagawang kasalanan kundi dahil may plano ang Panginoong Diyos.

Ang may-akdang ito ay nakabasa na ng maraming kuwento ng di pangkaraniwan at halos di kapani-paniwalang pagsisikap ng mga tao na makatulong sa isang maysakit o batang may kapansanan.

Kung minsan, ang mga taong may kapansanan ay nakakagawa rin naman ng mga dakilang bagay. Ang mga tao ay hindi gaanong binibigyang halaga kung anong mayroon sila hanggat hindi nawawala ito.

Mga Dahilan Kung Bakit Ang Pagpapagaling Ay Kaagad

1. Ipinakikita Ng Diyos Ang Kaniyang Kapangyarihan.

Ang lalaking bulag na nabanggit sa itaas, at marami pang ibang pagpapagaling ay nagpapakita na ang kapangyarihang ng Panginoon ay ibinibigay sa sambahayan ng Diyos sa Bagong Tipan.

Kung ang mga ganitong pagpapagaling ay hindi nasasaksihan sa simbahan sa panahong ito, ay marahil hindi natin ginagawa ang mga ginawa ng mga naniniwala sa Bagong Tipan at ang Panginoong Diyos ay di agad inilalagay ang Kaniyang “selyo ng pagsang-ayon” (stamp of approval) sa pamamagitan ng Kaniyang pagpapagaling sa simbahang ating kinaaniban.

Kailangan nating pag-aralan ito ng mabuti upang maisagawa ng tama. Gayunman, ang may-akdang ito ay nakasaksi na ng kapangyarihan ng Panginoong Diyos na magpagaling sa mga naniniwala—karamihan sa mga ito ay bago pa lamang sa paniniwala dahil kailangan ang pagpapatunay sa Diyos.

2. Ipinapakita Ng Panginoong Diyos Ang Kaniyang Awa.

Sa maraming pagkakataon, nagpapagaling si Jesu-Cristo ng mga tao dahil sa Kaniyang pagka-awa sa kanilang paghihirap (Mateo 14:14). Ang mga taong ito ay di kinakailangang “naniniwala” sa Kanya.

Ang may-akda ay nakabalita ng ng mga dagliang pagpapagaling maging sa mga taong may iba’t-ibang paniniwala.

3. Kailangan Ng Mga Tao Ang Pagpapagaling Upang Makapagsilbi Sa Diyos.

Kapag ang mga tao ay humiling na sila’y pagalingin upang mapagsilbihan ang Panginoong Diyos, kadalasan (ngunit hindi palagi) positibo ang sagot ng Diyos.

Si David ay naghangad na mabuhay para lagi niyang napapupurihan ang Panginoong Diyos (Mga Awit 6:4-5)

Ang walang anak na si Hannah ay pinagkalooban ng isang anak na lalaki para ialay ito sa Panginoong Diyos (1 Samuel 1: 6,11).

Marami pang ibang halimbawa ang Bibliya para sa mga naniniwala sa kapanahunan ngayon.

4. Ang Mga Kasalanan Ay Nahihinto At Napapatawad.

Kung minsan si Jesu-Kristo ay nagpapatawad ng mga kasalanan kapag siya’y nagpapagaling at nabibigay ng babala na ang patuloy na pagkakasala ay magdudulot sa makasalanan ng ibayo pang paghihirap (Lukas 5:20-25; Juan 5:2-14)

Ang Panahon Ng Pagtupad Ng Panginoong Diyos Sa Lahat Ng Kaniyang Mga Pangako

Ipinapalagay ng ibang mga tao na ang Bibliya ay nagsasaad na ang Diyos ay nangangako ng kaagad na pagpapagaling sa bawat mananampalataya.  Ang isang talatang ginagamit para patunay nito ay:

“Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko, at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mabubuting gawa. Na siyang nagpapatawad ng iyong lahat na mga kasamaan; na siyang nagpapagaling ng iyong lahat na mga sakit” (Mga Awit 103: 2-3)

Subalit tunghayan natin ang tatlong sumusunod na talata sa Mga Awit 103: 4-6:

“Na siyang tumutubos ng iyong buhay sa pagkapahamak: na siyang nagpuputong sa iyo ng kagandahang-loob at malumanay na nga kaawaan.”

“Na siyang bumubusog sa inyong bibig ng mabuting bagay; Na anupa’t ang inyong kabataan ay nababagong parang agila.”

“Ang Panginoon ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa, at ng mga kahatulan na ukol sa lahat na naaapi.”

 Ang “pagkapahamak” (galing sa salitang Hebreong shachath) ay isang salitang ginagamit sa Biblia para sa “libingan” o pook ng kamatayan.

Nang isinulat ito ni David, ang kaniya bang mga taga-basa ay ligtas na sa kamatayan? Sila ba’y nakokoronahan ng pag-ibig at pagka-awa? Ang kanila bang kabataan ay nabago? Binibigyan ba ng Panginoon ng kabutihan at katarungan ang lahat ng naaapi?

“Gayon din naman ang pagkabuhay na muli ng mga patay; itinatanim na may kasiraan; binubuhay na mauli na walang kasiraan; itinanimna may pagkakasiphayo; binubuhay na muli na may kasiraan(1 Corinto 15:42-43).

“At ako (Apostol Pablo) na may pagasa sa Diyos, na siya rin naming hinihintay nila, na magkakaroon ng pagkabuhay na muli ng mga ganap at gayon din ng mga di ganap” (Mga Gawa 24:15).

“Mangyayari ito sa araw na hahatulan ng Diyos ang mga lihim ng mga tao, ayon sa aking ebangelio, sa pamamagitan ni JesuKristo” (Roma 2:16).

Maraming mga dakilang pangako ang Panginoong Diyos ang hindi ibinibigay sa atin agad. Ang pagpapagaling sa sakit ay isa sa mga pangako. Inilalarawang mabuti ito sa Hebreo 11.

Sa mga lalaki at babaeng may matinding pananampalataya sa Panginoon, ang iba sa kanila’y ganap ng gumaling at may mga himalang nangyari sa kanila, samantalang ang iba ay hindi. Wala ni isa man sa kanila ang nakatanggap ng lahat nga mga ipinangako ng Panginoong Diyos.

“At ang lahat ng mga ito, nang sila’y mapatotohanan na dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi kinamtan ang pangako, na ipinaghanda ng Diyos ng lalong mabuting bagay tungkol sa atin, upang sila’y huwag maging sakdal ng bukod sa atin” (Hebreo 11:39-40).

“…ang nangamatay kay Kristo ay unang mangabuhay na muli; Kung magkagayon , tayong nangabuhay , namhatitira , ay aagawing kasama nila sa mga alapaap…” (1 Tesalonica 4:16-17).

Ang mga kasulatang ito ay nagpapatunay na marami sa mga mahahalagang ipinangako ng Panginoong Diyos ay hindi pa naisasakatuparan hanggang sa pagkabuhay na muli – kung kailan ang lahat ng mga matuwid sa lahat ng panahon ay magbabangon. Ang pagpapagaling sa sakit ay isa sa mga pangakong iyon. (Madalas ang pagkabanggit sa “muling pagkabuhay” sa Bibliya, kung ito ay bago sa iyong pananaw maaring sumulat sa mga iba pang libreng babasahin na nakatala sa hulihan ng artikulong ito.)

Kung Kailangan Natin Ang Pagpapagaling, Gawin Ang Sumusunod :

“Mga kapatid ko, ariin ninyong buong kagalakan kung kayo’y mangahulog sa sari-saring tukso: Yamang nalalaman na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay gumagawa ng pagtitiis.” (Santiago 1:2-3)

Kailangan din nating sumampalataya na si Jesu-Kristo ay makagagawa ng makapangyarihang Gawain.  Hindi makagagawa ng makapangyarihang gawain si JesuKristo kung ang mga tao ay may pagdududa sa Kanya (Marcos 6:1-6)

Kailangan nating magkaroon ng pananampalatayang kagaya ng kina Shadrach, Meshach, at Abednego na nakatanto na bagama’t hindi sila maliligtas sa buhay na ito, gayun pa ma’y susundin pa rin nila ang Panginoong Diyos sa anumang paraan. (Daniel 3:17-18)

Maaari nating sundin ang mga autos ng Diyos at magkaroon ng pagtitiwala at kapayapaan sa ating puso, gumaling man tayo kaagad sa ating sakit o hindi.

“May sakit ba ang sinuman sa inyo? Ipatawag niya ang mga matatanda sa iglesia (elders); at ipanalangin nila siya, na pahiran nila ng langis sa pangalan ng Panginoon: At ang panalangin ng pananampalataya ay magliligtas sa may sakit, at ibabangon siya ng Panginoon; at kung nagkasala siya, ay ipatatawad sa kaniya. Mangapahayagan nga kayo sa isa’t-isa ang iba, upang kayo’y magsigaling. Malaki ang nagagawa ng maningas na panalangin ng taong matuwid” (Santiago 5:14-16).

Kailangan nating gawin ang lahat na magagawa natin na nakasaad sa mga talatang ito. Maraming tao ang nakalilimot na magpahayag ng kanilang mga kasalanan sa iba.

Mahirap tangapin sa ating sarili, at lalong mahirap tangapin sa iba, na ang ating paghihirap ay maaring dahilan n gating mga sariling kasalanan.  Subalit ang pagtanggap nito sa ating sarili at sa iba ay ang mga unang hakbang tungo sa paggaling.

Ang mga “matanda” (elders) sa iglesia ay yaong magulang na ang pananampalataya at kinikilala sa isang kongregasyon, naatasan man o hindi ay dapat kilala kayong mabuti.  Kung sa panahon ng agad na pangangailangan ay wala kayong langis, mga nakatatanda o isang taong matuwid, gawin ito sa abot ng iyong makakaya kasama ang sinumang naroon.

Ang Pananampalataya Ay Nasa Panginoong Diyos, Sumangguni Tayo Sa Mga Mangagamot Sa Ating Kagustuhan

Ang banal na paggaling sa ating sakit at mga manggagamot ay magkasama, subalit magkaiba ng tungkulin.  Dapat ang pagdulog natin sa Panginoon Diyos ay ganito: “Alam kong mapapagaling mo ako, subalit kung hindi mo kagustuhan, ipahiwatig mo po sa akin ang nararapat kong maintindihan. Tatanggapin ko po ang anumang naisin ninyo.”

 Sa mga manggagamot naman ay ganito: “Kinikilala ko ang inyong kagalingan at tiyaga na matutunan gumamot. Ngunit wala sa iyo ang lahat ng karunungan at pinananatili ko ang aking karapatang itanong sa iyo ang kasiguruhan ng inyong mga paniniwala o maghanap ng mga paniniwala ng iba pang mapagkakatiwalaang tao. Ako pa rin ang magdedesisyon kung anong mga kaparaanan ang aking tatanggapin at ano ang hindi.

Binigyan ako ng Panginoong Diyos ng responsibilidad para sa aking katawan at sa lahat ng mga ipinagkaloob Niya sa aking pangangalaga. Hindi ko isusuko ang responsibilidad na iyon at hayaan ang mga manggagamot na pumalit sa Panginoong diyos sa aking buhay. Maghahanap ako ng mga manggagamot na di marunong mandaya at marunong gumalang sa katawang nilalang ng Diyos na Maylikha.” Ang magaling na manggagamot ay kikilalanin niya ang katotohanang ang mga tao ay magkakaiba sa panloob – Ang isang uri ng paggagamot ay maaaring hindi magiging epektibo sa bawat tao. Siya ay magiging tapat at tatanggapin niya ang anumang kamalian. Maaring magtanong sa mga mahuhusay na kaibigan para makapaghanap ng ganitong uri ng mga manggagamot.

Kung susundin natin ang sinasabi ng Panginoong Diyos sa Santiago 5:14-16 (lalung-lalo na sa pagsusuri sa ating mga sarili at pagpapahayag ng ating mga kasalanan), pati na ang paggamit ng pinakamahusay na tulong medikal na ating makikita at makakayanan; tayo’y pangangalagaan ng Panginoong Diyos.

Kaagad man tayong pagalingin o hindi, anumang kakayahang pisikal na ibinigay Niya sa atin, ang siya lahat na iaasahan Niyang ating gagamitin (Mateo 25:22-23; Lukas 12:48).

Masiyahan tayo sa ganito at umasa tayo na magkaroon ng katawang walang kapansanan at ang ating gantimpala sa pagkabuhay na muli!

You are here: Home Filipino Writings/Publications Kailan Magpapagaling Ang Diyos?