Ang Kaloob Na Pagbibigay

children-poseAt yamang may mga kaloob na nagkakaiba ayon sa biyaya na ibinigay sa atin; kung hula ay manganghula tayo ayon sa kasukatan ng ating pananampalataya; o kung ministeryo, ay gamitin natin ang ating sarili sa ating ministeryo; o ang nagtuturo, ay sa kaniyang pagtuturo; o ang umaaral, ay sa kaniyang pag-aaral; ang namimigay, ay magbigay na may magandang-loob; ang namumuno, ay magsikap; ang nahahabag ay magsaya.Mga Taga Roma 12:6-8

Ang Biblia ay nagsasaad ng maraming “kaloob na espirituwal” na matatagpuan sa mga talatang nailahad na sa itaas at sa iba pang mga talata: I Mga Taga Corinto 12:7-11; 12:28; 13:1; Mga Taga Efeso 4:11-12; I Pedro 4:8-11. Bakit ibinigay ni JesuKristo ang mga kaloob na espirituwal na ito?

Sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawang paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni Kristo” (Mga Taga Efeso 4:12).

Kapag ang isang tao ay naging mananampalataya na, iniaalay na niya ang kaniyang buhay kay JesuKristo. Sa halip na mabuhay siya para sa kaniyang sarili, gagamitin niya ang kaloob na pisikal at espirituwal na ibinigay sa kanya ng Mabiyayang Diyos kahalintulad ni JesuKristo (Mga Taga Galacia 2:20). Dapat mong gamitin ang anumang kaloob sa iyo sa paglilingkod sa Panginoong Diyos. Kung hindi mo alam kung anu-ano ang mga ito, itanong mo sa Kaniya at ipakikita Niya sa iyo.

Nakakalungkot isipin na maraming grupo sa simbahan ay higit na nagbibigay halaga sa “kaloob na pagbibigay.” Tila sinasabi nila, “Maaaring mapakain ang bawat bibig, at ang bawat tao ay magsisipanumbalik kay JesuKristo kung mayroon lang tayong sapat na salapi.” Datapuwat ang Biblia ay di kailanman nagtala ng isang gawaing pang-ebanghelio na nabigo dahil sa kakulangan ng salapi.

Ang simbahan sa ngayon marahil ay higit na kailangan ang mga mananampalatayang may mga kaloob na panghuhula, pagpapagaling, pagtuturo, pagkilala at iba pa. Ang manunulat na ito ay naniniwalang nakakilala na siya ng ilang taong may kaloob na ganito subalit kaunti lamang.

Maaari nating ipanalangin na bigyan tayo ng mga kaloob na ito; subalit sa pagkukunwaring mayroon tayo nito ay hindi mapapasa-atin ito. Kailangang hintayin nating ibigay ito ni JesuKristo.

Hindi kasalanan ang di pagkakaroon ng mga kaloob na espirituwal. Subalit isang kasalanan ang pagkakaroon ng isang kaloob na espirituwal at hindi ito gagamitin (tunghayan ang kuwento tungkol sa mga talento sa Mateo 25:14-30).

Kung ang isang tao ay may “kaloob na pagbibigay” gaya ng nasasaad sa Mga Taga Roma 12:6-8, nararapat na gamitin niya ito para sa kaluwalhatian ng Panginoon. Iyan ang paksang ating tatalakayin.

Ang Paggamit Ng Kaloob Na Pagbibigay

Una, kailangan nating mapagtanto na ang kaloob ay isang bagay na ginagamit sa mabuting paraan. Dapat itong nakaplano o nakabadyet gaya ng pagpaplano natin sa mga ibang kinakailangan natin sa ating buhay. Hindi ito dapat na sapilitan o ibinibigay dahil ang isang tao ay natatakot: “Kukunin ka ng Diyos” kung hindi ka magbibigay. Ang relasyon sa Panginoon ay hindi ipinagbibili. Subalit kung may relasyon tayo sa Kaniya, gagawin natin ang Kaniyang gawa.

Magbigay ang bawat isa ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso; huwag mabigat sa loob, o dahil sa kailangan; sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay na masaya” (2 Mga Taga Corinto 9:7).

Napakaraming mga organisasyong pangsimbahan ang nagtuturo na kung ang salapi ay “ibinigay sa Panginoong Diyos,” ang responsibilidad ng nagbigay ay tapos na at nasa Panginoong Diyos na upang tiyakin na ang mga namumuno sa simbahan o mga kawanggawa ay gagamitin ang salapi sa tama. Ang itinuturo ng Biblia ay ang kabaligtaran:

Pagtataltalan ng mga taong masasama ang pag-iisip at salapi sa katotohanan, na nagsisipag-akala na ang kabanalan ay paraan ng pakinabang” (I Timoteo 6:5).

Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan; na sa pagnanasa ng iba ay nangasinsay sa pananampalataya, at tinuhog ang kanilang sarili ng maraming mga kalumbayan” (I Timoteo 6:10).

Ang mga talata sa itaas at marami pang iba ay nagpapakita na ang mga taong “nasa simbahan” ay naging gahaman sa pagkamal ng salapi. Di kailanman binaliwala ni apostol Pablo ang pagbibigay sa mga taong ito. Di kailanman niya sinabi na responsibilidad ng Panginoong Diyos na tiyakin na ang salapi ay gagamitin sa tama.

Totoong pinuri ni apostol Pablo ang mga taga Corinto sa pagtatalaga nila ng isang taong sasama sa abuloy na nakolekta para sa mga mahihirap, para tiyaking ito ay gagastusin sa tamang paraan (2 Mga Taga Corinto 8).

Kung tayo’y may kaloob na pagbibigay, reponsibilidad nating tiyakin na ito ay ginagamit sa tama at mabuti. Sa katunayan, ang taong may kakayahang kumita ng maraming salapi ay madalas na hindi nagsasayang ng salapi sa mga hindi kinakailangang mga gastusin.

Dapat siyang magkaroon ng kakayahang suriin at tingnan kung ang grupong pinagbibigyan niya ay ginagamit ang kanilang mga pondo nang mahusay. Tayo ay hahatulan sa anumang nagawa natin sa buhay na ito (I Mga Taga Corinto 3:10-16). Kung tayo’y nagbibigay sa sinumang walang nagagawa, tayo ay wala ring ginagawa.

Walang sinuman ang magbibigay ng kahit na ano sa isang manginginom na pautal-utal at nanghihingi, “Maaari mo ba akong bigyan ng P50.00 para tuluy-tuloy ang pagbuhos ko ng alak – oopss, ang ibig kung sabihin pangangaral ng Mabuting Balita?” Kahit na sinabi niyang para ito sa “paggawa ng gawain ng Diyos” hindi mo siya bibigyan dahil naniwala kang nagsisinungaling siya at hindi gumagawa ng totoong gawa.

Pagtantuhin mo rin na ang isang organisasyong may magandang gusali, magagandang mga sasakyan, mapanghikayat na mga patalastas at may mga sugong mahuhusay manamit ay maaaring tulad din ng manginginom na ating nabanggit. Sila ay kapwa napakahusay sa panlilinlang. Dapat nating isaisip, “Sino ang nagbabayad sa mga magagandang bagay na iyon at gaano kalaki ang totoong gawain na ginagawa?

Kaya, kanino tayo dapat magbigay, at paano natin malalaman na sila ay “nagpapatayo ng ginto, pilak at mga mahahalagang bato” – gumagawa ng isang bagay na magkakaroon ng walang hanggang halaga sa ating paningin (I Mga Taga Corinto 3:12). Ang sumusunod na tatlong bahagi ay tumatalakay sa tatlong pangunahing paksa na binanggit sa Biblia:

Ang pinakamabuting paraan upang matulungan ang mga nangangailangang mananampalataya ay direktang tulungan ang isang kilala mo na (Santiago 2:15-17). Kung wala, tulungan ang mga kaibigan ng isa mong kakilala. Kung magbibigay ka sa isang organisasyon na tumutulong sa ibang mananampalataya, pakitiyak lang na ang organisasyong iyan ay totoong ginagawa ang kaniyang sinasabi (tunghayan ang susunod na bahagi).

Walang halimbawang binanggit sa Biblia tungkol sa pangongolekta ng pondo para sa mga “pangangailangan sa hinaharap.” Kinolekta nila ang mga ito para sa tukoy na pangyayari. Maraming mga temtasyon sa mga namamahala ng pondo.

Pagbibigay Para Tulungan At Turuan Ang Mga Hindi Nananampalataya

Ang buong ministeryo ni JesuKristo ay isa sa mga nagtuturo ng katotohanang espirituwal samantalang tinutulungan ang iba sa pisikal na pangangailangan. Ang dalawang ito ay dapat magkasama. Ang pagtulong natin sa iba ay dapat na gawin upang ang mga tao ay papurihan ang Panginoong Diyos:

Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit” (Mateo 5:16).

Maraming mga kawanggawa at organisasyon ang titingin sa mga pangangailangang pisikal ng iba. Subalit kung ang mga taong tumatanggap ng mabuting gawa ay di natatanto na ang pag-ibig ni JesuKristong nasa atin ang gumagawa ng lahat ng mga bagay na ito, ang benepisyong espirituwal ay nawawala. Ang mga nagbibigay sa mga organisasyon para tulungan ang iba ay dapat isaalang-alang kung ang mabubuting gawa ay ginagawa sa ngalan ng Panginoong Diyos o hindi.

Maraming tao ang gugugol ng maraming oras sa pananaliksik tungkol sa bahay, kotse o kahit na sa kamerang binabalak nilang bilhin. Hindi nila bibilhin ang isang galing lamang sa iisang patalastas, kahit gaano pa kaganda ang pagkakalarawan nito. Hahanapin nila ang pinakamagandang mabibili sa pamamagitan ng paghahambing ng maraming panggagalingan ng produkto. Nanaisin nilang bumili sa isang tindahan na mababa ang presyo at mababa ang gastos sa patalastas. Nanaisin nilang bumili sa isang kilala na nila nang lubos at mapagkakatiwalaan. Ang lahat ng ito ay mabubuting kaugalian sa pamimili.

Ang kaugaliang ito ay dapat din nating gawin kung magbibigay para sa gawain ng Panginoong Diyos. Hindi dahil sa ang isang patalastas ay nagpapakita ng mga larawan ng libu-libong tao na natutulungan o natuturuan ng Biblia, ay nangangahulugang epektibo ang ministeryong iyon. Ang ibang organisasyon ay gumugugol lamang ng 1% sa kanilang mga nakolekta para sa ipinangakong dahilan. Ang 99% ay ginagamit ng mga taong nangolekta ng salapi para yumaman. Sa maraming mga kaso, ito’y naaayon sa batas.

Subalit ang mga taong nagbibigay sa mga mapagsamantalang mga organisasyong ito ay di kailanman nagtatanong kung gaano kalaki sa kanilang mga ibinibigay ang talagang mapupunta sa sinabi nilang dahilan.

Ang anumang organisasyong umaasa sa suporta ng mga tao ay dapat magkaroon ng bukas na tala kung paano ginastos ang salaping kanilang tinanggap. Samantalang mahirap patunayan kung nagsasabi sila ng totoo o hindi, ang pagbibigay ng di makatotohanang mga pahayag ay isang krimen sa maraming lugar.

Ang pangunahing dahilan kung bakit nagpapatuloy ang mga kawanggawa para sa mahihirap ay sapagkat di man lamang binabasa ng mga tao ang kanilang mga pahayag, di dahil sa ang mga pahayag na ibinigay ay kasinungalingan.

Bilang isang halimbawa, ang isang patalastas ay maaaring magsabi, “Maaari naming pakainin ang nagugutom na batang ito sa halagang P1,000.00 bawat taon.” Subalit sa pagbibigay ng P1,000.00 ay P500.00 lamang ang mapupunta sa bata dahil ang halaga ng mga patalastas at pangangasiwa nila ay P500.00 din. Isang sulyap sa kanilang pagtustos o gastusin ay makikitang ang P400.00 ay mapupunta sa “pondo para sa edukasyon ng mga Muslim” (o iba pang dahilan) at P100.00 lamang ang mapupunta sa nagugutom na bata.

Taliwas dito, ang mga pinakamagandang kawanggawa ay kumikilos sa pamamagitan ng mga boluntaryong manggagawa at ibibigay ang 100% ng inyong ibinigay para tunay na tustusan ang gawang kanilang ipinangako.

Oo, ang paghahanap ng isang tapat na ministeryong susuportahan ay maaaring kasing hirap ng pag-iipon ng salaping ibibigay. Subalit ito’y isang mahalagang bahagi ng kaloob na pagbibigay.

 


 

Ipinapamahagi sa pakikipagtulungan ng Church of God at Imus City, Cavite/ 183 Greenfield Subdivision Bayan Luma II, Imus City, Cavite

Ito’y isang pagsasalin sa Tagalog ng “The Gift Of Giving” na isinulat ni Norman Edwards, mula sa babasahing Shelter in the Word. Ang ibang bahagi ay hindi isinama sa pagsasalin at binago rin ang mga halagang nakasulat sa orihinal na lathalain upang iakma sa kondisyong umiiral sa Pilipinas nang panahong isinulat ito.

You are here: Home Filipino Writings/Publications Ang Kaloob Na Pagbibigay